0:00
-3:58
Nanay, tatay alam kong kayo ang magagalit kapag sinalo ko ang inyong sakit. Ngunit kahit itakbo niyo ako sa kawalan, nalasahan ko na ang pait. Kahit anong gawin, hindi ko na ito mapapalitan ng dalit. Para naman kay ate at kuya na inaasar ako dati dahil ako ang pinakamaliit. Pakiusap, huwag niyo nang takpan ang aking tenga sapagkat naririnig ko na ang kanilang sinasambit.
Ang poot sa kanilang mga puso ay naririyan na bago pa ako isilang. Kaya naman bakit niyo ako sinasabihan na bagalan ko ang aking lakad, kung una pa lamang ay nauuna na silang humakbang? Kailangan ko pa bang gumapang? Kahit hindi ako nakikipagpaligsahan at pakiramdam nila’y kailangan nilang manlamang? Pero sige, para sa inyo, itutuloy ko ang paggalang. Kahit pakiramdam ko’y sila ay nahihibang.
Ang dami kong hindi maintindihan. Limang taon palang ako’y inaalmusal ko na ang kanilang sigawan. Habang ang nanay ko’y nakangiti sa’kin sa hapag-kainan at paulit-ulit na pinapaalala sa’kin na sila’y pagpasensyahan. Ngunit ewan. Hindi ko ata namana kay nanay ang kanyang kabutihan. Sapagkat imbes na siya’y pakinggan, inipon ko lahat ang kanilang paratang sa aking isipan.
Sila’y mga taong simbahan.
Talagang ibinukod ko ang kanilang katangian sapagkat ako’y lubos na naguguluhan. May mga araw na walang humpay ang samu’t saring chismisan. At sa araw ng Linggo, ay sumasamba sila gamit ang dila nilang makasalanan. Ang bibig nila na puno ng paninira ay kanilang binubusalan. Hindi ko alam kung nagbabawas sila ng kasalanan o humihingi ng kapatawaran.
Nanay, Tatay, makasalanan na rin ba ako kung hinihiling ko sa Kanya na sana’y wala na silang puwang sa Kanyang kaharian?
Araw-araw akong tumatakbo. Hindi ko alam kung saan ako patungo, wala akong makita kung hindi abo. Hinahanap ko ang sariwang hangin at mga bulaklak gaya ng pinangako sa’kin ng mundo. Nasaan na pati ang mga paru-paro? Ang alingawngaw na tawa ng mga inosente at mga buhay na santo? Ako ba ang naglibing sa mga ito? O ako’y naging sakim na rin at nanirahan na sila sa puso ko?
Nanay, Tatay, gusto kong humingi ng tawad. Naliligaw ako sa sarili kong landas at lahat ng ginawa nila? Gusto kong ilantad. Gusto kong mawalan sila ng kulay ngunit bakit nananatili silang matingkad? Sa mata ng iba ay sila ang katotohanan, tinitingala pa kung minsan. Pero para sa’kin? Manananatili silang huwad. Nakasulat sa kanilang balat ang kanilang kasinungalingan, kaya siguro nahihiya silang maghubad.
Hindi ako marunong magmura, ngunit ano bang naayon na salita para mailarawan sila kundi mga tanga? Anong ginawa nila sa’kin? Marahil ay wala. Ngunit sa aking pamilya? Kulang ang daliri mo at daliri ko sa pagbibilang. Kulang rin ang aking papel kung ito’y ililista. Anong kasalanan namin para umabot ang kanilang galit hanggang ako’y magdalaga? Wala. Siguro, huminga?
Ang tagal ko na ‘yang inisip. Mas marami na silang espasyo sa aking pagkatao, hanggang tuluyan nang sumikip pati ang aking dibdib. Bumibigat. Minsan bumibigay. Higit sa lahat, naiinip. Alam kong bawat aksyon ay may balik, ngunit kailan kaya nila mararanasan ang sakit? ‘Yung babahain sana ng kanilang luha ang kanilang yungib, at mapapagod silang mag-igib. Bawat mata ay makakahagip, ngunit sila mismo ang aayaw sa pagsagip.
Nanay, Tatay, huwag kayong mag-alala. Oo, galit ako pero mas mahal ko kayo.
Pati sina ate at kuya. Kaya nga nagsumikap kami kahit sa inyo’y sapat na ang aming sulat-kamay kung kayo’y mamangha. Hindi na pangungutya ang bumubungad sa’ting umaga, ngunit sa’kin ay malinaw pa. Hindi yata totoo ang kasabihang, “Kung ano ang puno ay siya rin ang bunga.” Paano niyo nakaya ang kanilang mundo ng ilang dekada? Samantalang sandali ko lamang ito naramdaman ay gusto ko na itong isuka?
Gayunpaman, makikinig pa rin ako. Hindi na sa kanila, kundi sa inyong mga sakripisyo. Isasaisip ko, ipupukpok ko na parang martilyo sa ulo ko. Sapagkat naniniwala ako na isa kayong pribilehiyo. Masyado nang matagal ang galit ko upang tawagin itong toyo, sadyang ayaw ko lamang ng ginogoyo. Tinatanong ko ang sarili ko dati na kung mapagpatawad ang magulang ko, dapat ba ay ganoon rin ako?
Mananatiling “hindi” ang sagot ko.
Hindi dahil mas madaling magalit, kundi dahil mas mahirap magpatawad ng pilit.
I am Cloud and I write personal essays, poems, and reflections about life in general. This piece is published under a section named “Alapaap” under my publication, “To all the words I couldn’t utter,” This section is for pieces written in Tagalog, drifting like clouds in the expanse of language and thought.

Comments
Nothing yet. Say the first thing.
Sign in to join the conversation.