Bata pa lang ako, lagi na akong na akong exposed sa mga pamahiin. Pero bata pa lang din ako, ‘di na ako naniniwala sa mga ‘yon.
Di ako palasalita noon (hanggang ngayon) kaya lahat ng pagdududa ko eh nasa isip ko lang. ‘Pag kase pinolosopo ko yung matatanda magkakaface-to-face encounter kami ng tsinelas ko.
Pero isipin mo naman kase, bawal mag-gupit ng kuko sa gabi kase may mamatay na kamag-anak? Edi sana ubos na lahi nung manikurista sa parlor. Tsaka pano nga kung nagpa-manipedi sa manikurista? Kaninong kamag-anak ang mamamatay, sa nag-gupit o ginupitan?
Tapos pagagalitan din kami non pag nagwalis kami sa gabi. Lalabas daw yung grasya. Sa utak ko, kung nasa alikabok ang grasya, edi mas okay magwalis para makolekta ko sila sa dustpan.
Tsaka isipin mo, kung totoo talaga yan, kawawa ka kung nag-gupit ka ng kuko nang alas siete… tapos winalisan mo pagkatapos.
Sobrang dami pang mga paalala samin non nung bata kami.
Grabeng diskriminasyon ang kinaharap ni black mingming non.
Sa sobrang dami nung pamihiin at kasabihan na naturo samin, nung yun na ang topic sa school, aba, maya’t maya ang pag-recite ko kay Mrs. Suratos.
Ubos na bala ng mga kaklase ko, may tatlong magasin pa ako sa bulsa.
Pero sa totoo lang, kahit na noon pa man eh ginagawa ko nang katatawanan yung mga pamahiin na tinuro samin, meron at meron pa ring mga natira na “pinaniniwalaan” o at least hinayaan kong maimpluwensyahan ako.
Halimbawa, yung pagbaligtad ng damit kapag nawawala.
Di na ako sigurado kung ilang beses na akong nawala. Pero ang sigurado lang ako eh sa bawat pagkawala ko, sumasagi sa isip ko na baligtarin yung damit ko. Kahit yung brip ko man lang para walang makapapansin.
Madalas din na sinusunod ko yung pagpag. Tuwing galing ako sa burol at libing, hindi ako dumidiretso sa bahay. Isa to sa pinaka-strict kong ginagawa. As in, minsan ako pa ang nagpapa-alala sa mga matatanda na magpagpag muna kami.
Pero. Isa to sa mga laging hindi nagiging totoo. Kase kahit nagpagpag kami, minsan nakikita pa din ng iba yung patay. Nakasunod pa din ang lola mo.
Tapos nung estudyante ako, medyo madalas ako nasa stage. At ang laging payo ng nanay ko eh maglagay ako ng piso sa loob ng sapatos.
Sobrang nagpa-impluwensya ako dun.
Sinagad ko. Di lang piso, ang nilagay kong barya. Sampung piso, yung pinakamalaking pwede nung panahong yun.
Buong taon ng 4th year ko yun ginawa. Walang nakakaalam. Minsan nga nakakaawa na si Andres Bonifacio at Apolinario Mabini (“lumang” 10 pesos) kase araw-araw ko tinatapakan.
(Me to myself: san ko na nga ba nilagay yung baryang yon? pwede ko yun ipamana ha)
Pero sa lahat ng mga pamahiin na sinasabi sakin, ang tumatatak sa isip ko eh yung hindi daw ako yayaman.
Madalas, nung bata ako lumalapit sakin yung nanay ko, tapos kukunin nya yung mga kamay ko. Ipapatong nya yun sa mga palad nya.
“Idiretso mong maigi yung daliri mo, nak”
“Bakit, ma?”
“Basta.”
Tapos gagawin ko.
Naalala ko pa yung earliest memory ko na ginawa namin yun. Naramdaman ko yung disappointment at hope at the same time.
Nakita nya kase na hindi lampas yung hinliliit ko sa pinaka-taas na hiwa nung palasingsingan ko. Ibig sabihin daw nun, hindi ako yayaman. Hindi daw ako magiging successful.
Kita ko yung disappointment sa muka nya pero laging pinapawi nya tas sasabihing,
“Pero hindi, di naman yun totoo!”
At ako bilang batang duda naman talaga sa mga pamahiin, alam kong hindi sya totoo. Pero malaking tulong yung pagsang-ayon nya sakin na oo, hindi.
Kaso, ang nakakatawa, lagi nya pa din chinicheck yung mga daliri ko over the years.
Pinaka-huli nya atang ginawa yun eh nung nakapag-tapos ako ng college.
Kaya kahit na hindi naman ako talagang naniniwala sa pamahiin, alam kong minsan malaking impluwensya pa din sila.
Hanggang ngayon, kapag nilalamon ako ng pagdududa at lungkot, sumasagi sa isipan ko na hindi ko naman talaga alam kung yung sarili ko bang nanay eh naniniwala na hindi ako magiging mayaman at successful (kung anumang definition nya non).
Gusto kong isipin na hindi.
Pero malay ko ba kung nawalis ko na lahat ng grasya ko kalilinis ko ng kwarto sa gabi…
Wag naman sana. Knock on wood.
Osya.
Ang dami ko na pa lang nasabi ata.
Na-miss ko din magkwento sayo.
Pasensya na ngayon lang ulit. Nawala kase ako eh. Kababaligtad ko lang ng Tshirt ko.
-Johnrille
No posts

Comments
Nothing yet. Say the first thing.
Sign in to join the conversation.