Wala akong YouTube Premium,
nakakayamot ‘yung mga ads minsan no?
Panira ng momentum!
Kahit isang segundo lang, bilang na bilang ko.
Kapag loading na ulit yung pinapanood ko,
para na akong dadalhin sa asylum!
Kaya nga nagtataka ako sa iba,
paano nila nasabing ang isang segundo
ay may ihahaba pa?
Parang katumbas na nga ng walang hanggan
kapag may hinihintay ka.
Hindi ako galit sa paghihintay,
nagpapaliwanag lang.
Hindi ko rin alam kung paano ako nasanay,
basta tumatak nalang sa aking isipan
na hindi oras ang aking kalaban,
na kaya kong patagalin ang ilang mga sandali
at gawin itong makabuluhan...
kahit sarili ko naman ang aking kalaban.
Oo, nagpapatuloy ako sa tunggalian
kahit pa hindi ko alam kung
mananalo ba ako o mananatiling talunan.
Kaya kong patagalin ang isang segundo,
nagawa ko na noong tumingin ka sa gawi ko.
Hanggang pag-uwi at pagtulog,
iyon na ang aking naging mundo.
Ilang beses mo na nga ba akong nakausap?
Ihalintulad mo nalang sa mga matang kumikisap.
Bilang man sa daliri ay lalo akong naghirap,
‘di ko akalain na pati tinig mo’y
papangarapin kong marinig sa magdamag.
Sandali nga, malinaw ba sa’yo
na tungkol lang ito sa patalastas?
Lumawak na ng lumawak, hindi ko
na alam kung anu-ano ang aking naibigkas.
Baka mabasa mo ito at mahalatang
galing sa’kin, kahit mayroong alyas.
Lagpasan mo nalang ah?
Sana tulad ko’y hindi ka rin galit sa paghihintay,
lalo na sa taong naduduwag sa ngayon,
at dinadaan muna sa tula ang kanyang emosyon
imbes na gumawa na agad ng aksyon.
I am Cloud and I write personal essays, poems, and reflections about life in general. This piece is published under a section named “Alapaap” under my publication, “To all the words I couldn’t utter,” This section is for pieces written in Tagalog, drifting like clouds in the expanse of language and thought.

Comments
Nothing yet. Say the first thing.
Sign in to join the conversation.